Thursday, September 15, 2011

Elevator Blues

Hapon na nang ako'y nagising.

Alam kong hapon na dahil di na mainit na liwanag ang pumapasok sa aking bintana. Nagaaway ang dilaw at pulang sinag ng araw ang tumatagos at gumagapang sa loob ng aking kwarto.
Okay lang naman. Sabado ngayon at walang pasok.

Bumangon ako at nagtimpla ng kape. Habang dahan dahan kong pinaiikot ang kutsarita sa mainit na tinimpla, humarap ako sa bintana at masayang pinanood and dahang dahang paglubog ng araw at paghalik nito sa malawak na karagatan. Naisip ko, pagkaganda-gandang tignan ng araw sa dapit hapon.

Nang matapos kong mainom ang ginawa kong kape, bumalik ako sa kusina at marahang inilagay sa lababo ang tasa. Sa sahig, tinali ko ang "bag" na naglalaman nang aking basura at dinala ito sa labas ng kwarto ko para maitapon. Mabilis akong nagsuot ng sando dahil kailangan ko pang bumaba ng isang palapag para maitapon sa "garbage chute" ang basura kong dala.

Sira ang "garbage shoot" sa "floor" namin kaya kailangang umakyat o bumaba ng isang palapag para maitapon ang aming basura. Dahil isang palapag lang naman ang aking bababain, di na ako sumakay ng elevator at pinili kong gamitin na lang ang "service stairs".

Nagpo-protestang umiyak ang kina-kalawang na pintuan ng "garbage shoot" ng ito ay binuksan. Ganun din ang paglalangit-ngit nito matapos siyang gamitin at isara. Nakasalubong ko ang huling gumamit ng "garbage shoot" sa mahabang daan ng kanilang palapag. At ng kami na ay magkaharap, kami ay nagkatanginan na tila bang may binabangit sa isat-isa. Gusto ko sanang hawakan siya, kausapin ngunit hawak ko ang mabigat na itim na plastic ng basura kaya wala akong nagawa kundi maglakad ng diretso at panoorin siyang lumayo.

Isinara ko ang pinto ng aking unit pero di ang isip sa lalaking nakasalubong. Pinilit na tinapos ang binabasang libro pero walang pumapasok sa isip kundi ang mga mata ng nasa ibabang palapag. Huminto na lang ako sa pagbabasa at bumalik ulit sa tapat ng bintana kasabay ng pagbukas ng isang malamig na serbesa. Pinanood kong lumubog ang araw hangang lamunin siya ng dagat upang magbigay daan sa paglabas ng buwan at mga bituin sa pusod ng langit.

Muli ko pa ba siyang makikita?

Makaaraan ang isang oras. Nasa harap na ako ng elevator at inaayos ang suot kong polo. Mula sa isa sa mga kalapit na unit sa floor ko, tumutugtog nang pagkalakas-lakas ang "Ships" ni Barry Manilow... "We're still here. It's just that we're out of sight. Like those ships that pass in the night...". Naiisip ko, kailangan kong lumabas, kailangan kong gumala... kailangan ko ito.

Bumaba na ang elevator ilang segundo pagkatapos kong pumasok… at ilang segundo ulit ang nagdaan ng ito ay muling bumukas.

Mabilis siyang pumasok sa loob ng maliit na kahong bakal. May mga tao na sa loob ng elevator. Isang babae at lalake na magkaholding hands... at sa likod nila, ako. "Uhm, hello." marahan niyang nabangit bago pumuwesto sa kabilang kanto ng likod ng elevator.

"Hello," Sagot ko naman.

Makintab ang mga bakal na pader ng elevator. Kitang-kita mo ang repleksyon ng lahat ng nasa loob. Ang magkahawak na kamay nung dalawa sa harapan namin, ang malaking mukha ni "Mickey Mouse" sa itim na tshirt nang lalaki, ang naguumbukang dib-dib nang babae... at ang marahang pagtitinginan naming dalawa sa apat na nagkikintabang pader ng bumababang sasakyan.

Bumukas ang pinto ng elevator at lumabas na ang mag-syota sa "6th floor"

5...

4...

3...

2...

"Sylvan." "Sean."

Sabay naming nasambit ang aming mga pangalan kalakip ang nagtatamisang ngiti.

No comments:

Post a Comment